Bible
search

Bible Online

expand_more
expand_more

GENESIS 1

Ang Kasaysayan ng Paglikha

1 Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;

2 ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig.

3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga.

4 Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim.

5 Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.

6 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!”

7 At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba.

8 Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.

9 Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito.

10 Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan.

11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito.

12 Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan.

13 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw.

14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan.

15 Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari.

16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.

17 Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig,

18 tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan.

19 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw.

20 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.”

21 Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan.

22 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.”

23 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw.

24 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari.

25 Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan.

26 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.”

27 Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae,

28 at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.

29 Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo.

30 Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari.

31 Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw.

Bible

Bible App Read the Bible, Anytime and Anywhere

playstoreappstore