Mga Bersikulo ng Bibliya mula sa
ISAIAS
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Sinabi ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan, ngunit hindi naman sila nananalangin. Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin, ngunit hindi naman sila naghahanap. Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin, ‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’
Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali. Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa, ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
O Yahweh, ikaw ang aking Diyos; pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan; sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa; buong katapatan mong isinagawa ang iyong mga balak mula pa noong una.
Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga, huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal. Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay, o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan. At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin. Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig; at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob. Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Sinusunod namin ang mga kautusan mo; ikaw lamang ang aming inaasahan.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad; Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka, sapagkat mahalaga ka sa akin; mahal kita, kaya't pararangalan kita.
O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan, at nagdadala ng Magandang Balita. Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin: “Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin; sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan. Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.
Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan, na tatawaging Landas ng Kabanalan. Sa landas na ito ay hindi makakaraan, ang mga makasalanan at mga hangal.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, mahusay ang kanyang payo at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.
Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.