Mga Bersikulo ng Bibliya mula sa
SANTIAGO
Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magpahamak. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?
Magpakumbabá kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.
Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino.
Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos.
Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan.
Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan.
Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.
Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.
Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit.
Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.
Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago.
Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.
Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot.
Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo.
Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagkat ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo.
Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri't panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid.
Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito.
Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o “Saksi ko ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso.
Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.