Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Anghel
Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.
Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.
Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo.
Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag.
Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”
Sila'y nakatitig sa langit habang siya'y iniaakyat sa langit. Walang anu-ano'y dalawang lalaking nakaputi ang lumitaw sa tabi nila. Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus.
Ang magtatagumpay ay magdaramit ng puti, at hindi ko kailanman aalisin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababâ ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman.
Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging maging bukás ang inyong pinto sa mga taga-ibang bayan. Lingid sa kanilang kaalaman, may ilang nakapagpatuloy na ng mga anghel.
Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng labindalawang batalyon ng mga anghel?