Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Pasko
Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tingnan ninyo; ‘Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.’” (Ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”.)
Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na.
Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.
Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.
Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo.
Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel.
Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.
Sinabi ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.”
Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.