Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Simbahan
Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon.
Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus.
Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at patuloy na nagpupuri sa Panginoon. Sa tulong at sa pakikisama ng Espiritu Santo, tumatag at dumami ang mga mananampalataya.
Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.
At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.
Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan.
Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa mga aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila.
Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.
Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat.
Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong napakabanal na pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.
Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita.
Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin; sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen.
Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. Kayo rin ay gusali ng Diyos.
Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.