Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Paghabag
Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali. Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat.
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
‘Pairalin ninyo ang katarungan at maging mahabagin kayo sa isa't isa. Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda, ang mga ulila, ang mga dayuhan o ang mahihirap. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa.’
Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
“Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas; ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas. Ibabalik ko sila sa dating tirahan; sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan. Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos, aking diringgin ang kanilang dalangin.
Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?
Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis.
Sa aking pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbabá.
Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala.
Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.