Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Diyablo
Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.
Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan. Malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas. Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus.
Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo.
Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
Kaya't isuot ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.
Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang sa loob ng apatnapung araw, at doon siya'y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.
Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan.
Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito.
Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama!
Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama!’
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.