Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Kabutihan
Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.” Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.”
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama'y nakakasira ng magagandang ugali.”
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan?
Mabuti ang gawi't masama'y layuan pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
Kaya nga, sa lahat ng pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.
Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.”
Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong.
Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan, higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan.
Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig.
Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan, at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa; kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
Si Yahweh ay napakabuti; matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan. Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas, na ipinakita mo na noong panahong lumipas. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan; ayon sa pag-ibig mong walang katapusan, ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain.
Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. Sa halip, ang maging kasuotan nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos.