Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Kalusugan
Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan. Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag, mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit.
Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay.
Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.
May pakinabang sa pagpapalakas ng katawan, ngunit ang pagsusumikap na maging maka-Diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating.
Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman.