Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Langit
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.
Ganito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!”
Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan, at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa, inipon niya ang tubig sa dagat, at ibinubuhos iyon sa lupa. Yahweh ang kanyang pangalan!
Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo.
Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’
Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid.
Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat.
Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?
Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.
Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.
Wala tayong dalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya nga't, dapat na tayong masiyahan kung tayo'y may kinakain at isinusuot.
Alam nating kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, na tumutukoy sa ating katawang-lupa, tayo'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao.
Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.
Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.”
Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.
Sila'y nakatitig sa langit habang siya'y iniaakyat sa langit. Walang anu-ano'y dalawang lalaking nakaputi ang lumitaw sa tabi nila. Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Sa ibabaw ng mga langit ikaw ay itatanghal, at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa.
Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh.
Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan?
Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit.
Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit, ang araw, ang buwa't talang maririkit;
Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas? Sa iyo bang Espiritu, ako ba'y makakaiwas? Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka, sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;