Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Kasal
Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.”
Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili.
Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa.
Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito'y, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa.”
Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.
Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. Sinabi ng lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki siya'y kinuha.” Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa.
Sumagot si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.”
Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa.
Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
Kaya't kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa.
Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
“Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.
Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal. Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.
Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
Ang mabuting maybahay ay isang kayamanan; siya'y pagpapala na si Yahweh lang ang may bigay.