Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Papuri
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.
Sapagkat nasusulat, “Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy, ang lahat ay luluhod sa harap ko, at ang bawat dila'y magpupuri sa Diyos.’”
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
O Yahweh, ikaw ang aking Diyos; pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan; sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa; buong katapatan mong isinagawa ang iyong mga balak mula pa noong una.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang! Purihin si Yahweh!
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok, buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata. Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.
Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin; kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Pupurihin kita Yahweh, nang buong puso ko, mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
Sasabihin ninyo sa araw na iyon: “Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan; ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa, ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!
Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan, Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri't panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid.
Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag, di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin; pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang, dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan, ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan, panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw, akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo.
Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”