Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Tagapagligtas
Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya.
Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto. Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako, at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas, na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan.
Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.
Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila.
Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
Kahit siya'y likas at tunay na Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao. At nang si Cristo'y maging tao, nagpakumbabá siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy.
At nang siya'y maging ganap, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban.