Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Pagdurusa
O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan.
Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’
Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad.
Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo.
Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw.
Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis.
Ang nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”
“Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan, ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
Ang taong matuwid, may suliranin man, sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
Tinuruan nga kayong magpakumbabá; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh.
Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan.
“Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya ang ating mga karamdaman. Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.
Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo.
Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan
Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan.
Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
Ang hindi pumapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo.
Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”
At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”