Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Pagtitiwala
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mapahiya sa kanya sa araw na iyon.
“Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot, hindi pa rin ako sa kanila matatakot; salakayin man ako ng mga kaaway, magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala. Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba, magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
“Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Katulad niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan; ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga.
Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas, magagalak ako dahil ako'y ililigtas. O Yahweh, ika'y aking aawitan, dahil sa iyong masaganang kabutihan.
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang. Siya'y malakas kong tagapagsanggalang, matibay na muog na aking kanlungan.
Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan.
Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya.
Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan.
Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito.
Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita.
At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya.
Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.
Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.