Mga Bersikulo ng Bibliya tungkol sa
Karunungan
Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon, pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa, ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan, ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong.
Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa.
ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay, ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
Marami ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong.
Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan.
Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay malinis ang pamumuhay, maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Unawain ng matalino ang mga bagay na ito, at dapat mabatid ng mga marunong. Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh, at ang mabubuti'y doon lumalakad, ngunit nadarapa ang mga masuwayin.
Ang maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay, ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan.
Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa sinumang nagtatanong.
Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama, ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, mahusay ang kanyang payo at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.
Ang mangmang na hindi madaldal ay iisiping marunong; kung hindi siya masalita at ang bibig ay laging tikom.
Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.
Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.